Martes, Pebrero 10, 2015

Pearl Harbor

   

 PEARL HARBOR



   Ang Pearl Harbor na kilala sa mga Hawaiiano na Puʻuloa ay isang lagoon na harbor sa isla ng OʻahuHawaiʻi na kanluran ng Honolulu. Ang karamihan ng harbor at palibot na mga lupain ay isang base ng hukbong dagat ng Estados Unidos. Eto rin ang punong-himpilan ng U.S. Pacific Fleet. Ang paglusob sa Pearl Harbor ng Imperyong Hapon noong Disyembre 7, 1941 ang naging mitsa ng pagsali ng Estados Unidos sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

     


        Ang pagsalakay sa Pearl Harbor sa Pearl Harbor, Hawaii, Estados Unidos ang surpresang pagsalakay ng hukbong pandagat na Imperyal na Hapones laban sa base ng hukbong pandagat ng Estados Unidos noong umaga nang Disyembre 7,1941. Ang pagsalakay na ito ay nagtulak sa Estados Unidos na pumasok sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pagsalakay ay nilayon upang pigilan ang U.S. Pacific Fleet sa panghihimasok sa mga aksiyong militar ng Imperyo ng Hapon sa Timog Silangang Asya. May sabay na pagsalakay ng mga Hapones sa Pilipinas, at sa Imperyong British sa Malaya, Singapore at Hong Kong.





Adolf Hitler

Si Adolf Hitler (20 Abril 1889 – 30 Abril 1945) ang nagsilbing dating Kansilyer (Chancellor) ng Alemanya mula 1933, at ang "Führer" (Pinuno) ng Alemanya mula 1934 hanggang sa kanyang kamatayan. Siya ang pinuno ng Partido ng Pambansang Sosyalistang Manggagawang Aleman (Nationalsozialistische Deutsche Arbeiterpartei o NSDAP), na mas kilala bilang ang Partidong Nazi.
Nakamit ni Hitler ang kapangyarihan sa isang Alemanyang nahaharap sa krisis matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Sa pamamagitan ng paggamit ng propaganda at maaalindog na mga pananalumpati, nagawa niyang umapela sa pangangailangan ng mga mahihirap at paigtingin ang mga ideya ng nasyonalismo, antisemitismo, at anti-Komunismo. Sa pagtatatag ng maayos naekonomiya, pagpapaigting ng militar, at isang rehimeng totalitarian , gumamit si Hitler ng isang agresibong patakarang pandayuhan (foreign policy) sa paghahangad na mapalawak ang Lebensraum ("puwang na tirahan") ng mga Aleman, na nagpasimula ngIkalawang Digmaang Pandaigdig nang salakayin ng Alemanya ang Poland. Sa pinakamalaking abot-saklaw nito, sumailalim ang kalakihan ng Europa sa kontrol ng Alemanya, subalit kasama ang ibang Axis Powers, sa huli'y natalo pa rin ito ng mga Mga Alyansa ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Allied Powers). Mula noon, natapos ang mga patakarang panlahi ni Hitler sa pagpapapatay ng humigit-kumulang 11 milyong tao, kasama na rin ang pagpaslang ng 6 milyong Hudyo, na ngayo'y kilala bilang ang Holocaust.
Sa mga huling araw ng digmaan, si Hitler, kasama ang kanyang bagong asawang si Eva Braun, ay nagpakamatay sa kanyang taguan sa ilalim ng lupa sa Berlin matapos mapalibutan ng hukbong Sobyet ang lungsod.

Linggo, Pebrero 8, 2015

PANGALAWANG DIGMAANG PANGDAIGIDIG









          Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang pandaigdigang labanan na nagsimula noong Hulyo 7, 1937 sa Asya at Setyembre 1, 1939 sa Europa. Natapos ito hanggang 1945, at nasangkot ang karamihan ng mga bansa sa daigdig at bawat kontinente na may naninirahan. Di pormal na kinikilala na lahat ng bansa na lumahok sa Unang Digmaang Pandaigdig ay nasangkot sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tinuturing ito na pinakamalawak, pinakamahal at pinakamadugong labanan sa kasaysayan ng sangkatauhan.Maaalalang ang mga bansang lumahok sa digmaan ay nagbuhos ng napakaraming pwersang militar upang lupigin ang bawat panig. Nagsimula ito sa mga bansang Europeo. Nang malagay sa pamumunong militar ni Adolf Hitler ang bansang Aleman, naglunsad ito ng mga programang pang-isport sa mga mamamayan upang kunin ang suportang moral ng mga ito na siya namang ginamit niya upang palawigin ang hukbong sandatahan nito. Sunod-sunod ang mga pakikipag-ugnayan niya sa mga karatig bansa partikular ang bansang Italya na nasa ilalim ng pamumuno ni Benito Mussolini sa ilalim ng Batas Militar.
         Nag-siklab rin ang digmaan sa Pilipinas. Dulot ito ng pagsabog ng Pearl Harbor sa Hawaii, Malaya (Malaysia at Singapore sa ngayon),at iba pa. Inutos ni Franklin D. Roosevelt ang pagsama ng Amerika sa digmaan. Ang Pamahalaang Komonwelt ni Manuel L. Quezon ay inilikas sa Malinta Tunnel sa Corregidor. Nilisan nina Quezon at MacArthur ang Pilipinas, si Quezon sa Amerika; para ilikas ang Komonwelt, pati na rin ang kanyang gabinet at pamilya, habang si MacArthur ay pumunta sa Australia. Sumuko ang mga sundalo sa Bataan, at ito ang puno't dahilan ng Martsa ng Kamatayan. Naglakad ang mga sundalong Pilipino at Amerikano mula sa Mariveles, Bataan papuntang Capas, Tarlac. Marami pa ang nangyari.
      Noong Oktubre 20, 1944, Bumalik si heneral Douglas MacArthur at mga kasamahan ni dating pangulong Sergio Osmena, heneral Basilio J. Valdes, brigidyer heneral Carlos P. Romulo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at si heneral Richard H. Sutherland ng Hukbong Katihan ng Estados Unidos ay ang dumaong ng puwersang Amerikano sa Palo, Leyte. At nagsimula ng Pagpapalaya ng bansang Pilipinas sa pagitan ng pagsamahin na mga tropang Pilipino at Amerikano kabilang ang mga kumilalang pangkat ng mga gerilya noong 1944 hanggang 1945 at ang pagsalakay ng puwersang Hapones. Noong Setyembre 2, 1945, sumuko si heneral Tomoyuki Yamashita sa mga tropang Pilipino at Amerikano sa Kiangan, Ifugao sa Hilagang Luzon.
        Noong Abril 16, 1945, pumasok ang mga sundalong Sobyet sa lungsod ng Berlin, matatagpuan sa kabiserang lungsod ng Alemanyang Nazi ay lumaban sa mga sundalong Aleman ay sinira ito at nagwasak ng lungsod at may hihigit sa 600,000 sundalong Aleman at mga sibilyan ang namatay at nasugatan sa mga kawal ng pulang Sobyet. Noong Mayo 8, 1945, Ang pagkatalo ng mga Alemanyang Nazi at ang pagsuko sa pwersang Kakampi.
      Natapos lamang ang digmaan sa buong mundo pagkatapos ng pagpirma ng pagsuko ng mga sundalong Hapon sa sundalong Amerikano, pagkatapos ng pagbobomba sa Hiroshima at Nagasaki, noong Setyembre 2, 1945, sa Tokyo Bay, Hapon.

 







UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG 







           Ang Unang Digmaang Pandaigdig o World War I (ang pinaikling WWI o WW1, na kilala rin sa tawag na First World War, Great War o "Dakilang Digmaan", War of the Nations o "Digmaan ng mga Nasyon", at War to End All Wars o "Digmaan Upang Wakasan ang Lahat ng mga Digmaan") ay isang malawakang pandaigdigang digmaan na nilahukan ng napakaraming bansa na naganap sa pagitan ng mga taong 1914 hanggang 1918.
Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay kakikitaan ng mga labanang ginaganap sa mga hukay o trintsera (trench warfare) kung saan ginamit ng malawakan ang teknolohiya sa pagpapaunlad at pagpaparami ng armamento. Ilan sa mga sandatang ginamit sa digmaan ay ang masinggan, eroplano, submarino, tangke at ang nakamamatay na nakalalasong gas. Nilahukan ng mahigit 60 milyong sundalo ang digmaan kung saan 20 milyon sa mga ito ang naitalang namatay kasama na ang mga sibilyan mula sa 40 milyong tala ng mga nasugatan, nawala at nasawi sa digmaan.
Nagdulot ng malawakang pagbagsak ng industriya ang digmaan sa mga bansang pinangyarihan at napinsala nito na naging dahilan naman sa isang krisis na tinatawag na Great Depression noong 1930s. Nagbunsod ito sa pagkawasak ng mga imperyo ng Alemanya, Austro-Unggarya at Ottoman. Nawalan ng ilang teritoryo ang Alemanya gaya ng Alsace-Lorraine at ng Polish Corridor. Nahati naman ang Imperyo ng Austro-Unggarya sa ilang maliliit na estado gaya ng Czechoslovakia, Austria, Unggarya at napunta ang Transylvania sa Romania, Trieste sa Italya. Nakamit naman ng Polandiya, Finland at mga Estadong Baltik ng Estonia, Latvia at Lithuania ang kanilang kalayaan mula nang magwakas ang Imperyo ng Rusya na pinalitan ng dating Unyong Sobyet. Pinaghati-hatian naman ng Gran Britanya at Pransya ang mga teritoryo ng Imperyong Ottoman gayundin din mga kolonya ng Alemanya sa Aprika at Pasipiko. Pinag-isa ang mga estadong Balkan ng Serbia, Montenegro, Slovenia, Croatia, Macedonia at Bosnia-Herzegovina na tinaguriang Yugoslavia kasabay sa pagkakatatag ng bansang Turkiya.
Nagsimula ang digmaan mula sa isang pagbaril sa Bosnia at kalaunan ay nauwi sa mga alyansa; ang Pwersang Entente at Sentral. Ang Pwersang Entente ay kinabibilangan ng Gran Britanya at ng imperyo, Pransya, Rusya, Serbia, ang Hapon na lumahok noong Agosto 1914, Italya na bumaligtad sa Pwersang Sentral noong Abril 1915 at Estados Unidos noong Abril 1917. Ang Pwersang Sentral sa kabilang banda naman ay binubuo ng Imperyo ng Alemanya, Austro-Unggarya, ang Italya bago ito sumapi sa Pwersang Entente, Imperyong Ottoman noong Oktubre 1914 at Bulgaria sa sumunod na taon. Ang ilan namang estado sa Europa gaya ng Netherlands, Switzerland, Espanya, Monaco at mga estadong Scandinavian ay nanatiling neutral hanggang sa katapus-tapusan ng digmaan.
Karamihan sa mga labanan ay naganap sa Europa. Ilan sa mga mahahalagang lugar na pinangyarihan ng digmaan ay ang Bunsurang Kanluran (Western Front) na matatagpuan sa kahabaan ng timog Belhika, hilagang Pransya hanggang sa kanlurang Alemanya na nagtatapos sa hilaga ng Switzerland. Matatagpuan naman sa Rusya at Poland ang Bunsurang Silangan (Eastern Front), sa hilagang Italya ang Bunsurang Italyano (Italian Front) at ang Bunsurang Masidonyan (Macedonian Front) sa rehiyong Balkan. Sa labas naman ng Europa naganap ang mga serye ng mga labanan sa Gitnang Silangan, Aprika at Asya.